Manila, Philippines – Magkakaloob ng insentibong nagkakahalaga ng isang daang libong piso (₱100,000) ang Pamahalaang Lungsod ng Kidapawan sa mga barangay na makapagtatala ng 90% target ng pagbabakuna ng mga bata laban sa Measles-Rubella.
Ito ay inanunsiyo ni Mayor Pao Evangelista sa isang pulong kasama ang mga punong barangay, kung saan hinikayat niya ang mga opisyal ng barangay na paigtingin ang kanilang kampanya upang matiyak na lahat ng batang may edad anim hanggang 59 na buwang gulang ay mabibigyan ng bakuna.
Ayon sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) ng Cotabato, mahigit 70 porsiyento pa lamang ng mga bata ang nababakunahan sa nakalipas na dalawang taon, dahilan upang paigtingin pa ang mga hakbang ng lokal na pamahalaan laban sa pagkalat ng tigdas.
Binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng kooperasyon ng mga magulang at hinikayat ang mga ito na huwag nang hintayin ang house-to-house vaccination, bagkus ay agad na dalhin ang kanilang mga anak sa mga itinakdang vaccination sites.
Kaugnay nito, magsasagawa ang City Health Office ng malawakang pagbabakuna sa iba’t ibang lugar kabilang ang mga purok, mall, tindahan, at mismong mga barangay sa lungsod upang mas mapabilis ang pagbabakuna ng mga bata.
Layunin ng programang ito na maprotektahan ang kabataan laban sa sakit at mapanatili ang kalusugan ng komunidad sa Kidapawan City.