1 ARAW NA PAMBANSANG PANALANGIN, IPINANAWAGAN NI DR. JESSIE ROYO PARA SA PAGHILOM NG BAYAN SA GITNA NG MGA NAGDAANG SAKUNA

Manila, Philippines – Labindalawang araw pa lamang ang nakalilipas, ngunit sunod-sunod na mga matitinding lindol ang yumanig sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kasabay pa nito ang pananalasa ng mga bagyong nagdulot ng matinding pagbaha at pinsala sa maraming lalawigan. 

Kamakailan lamang hinagupit ng 6.9 magnitude na lindol ang Cebu, 4.4 sa La Union, at ang panibagong 7.4 magnitude na lindol sa Davao Oriental na yumanig kahapon.

Habang patuloy na bumabangon ang mga apektado mula sa pinsalang iniwan ng mga ito, nanawagan si Dr. Jessie R. Royo, Convenor ng Sigaw ng Bayan Para sa Katotohanan (SIBAK) at CEO ng Eagles 1 Marketing Corporation, ng isang araw na pambansang panalangin para sa paghilom ng buong bansa.

Ayon kay Dr. Royo, ang panawagang ito ay alay sa mga pamilyang nawalan ng mga mahal sa buhay, nasiraan ng tirahan, at kumakalam na tiyan ngunit patuloy na nagsisikap makabangon mula sa mga nagdaang trahedya. 

Ngunit higit pa rito, ito rin ay kanyang sigaw para sa lahat ng Pilipino, anuman ang kanilang estado sa buhay, upang magkaisa sa iisang layunin: ang pagtibayin ang pagkakabuklod-buklod ng bawat isa.

Sa ilalim ng kanyang inisyatiba, tinatawag niya ang pansin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa lahat ng pinuno ng mga simbahan, gayundin ang mga religious organizations, na pagtulungan ang pagdaraos ng panalangin upang ganap itong maisakatuparan. 

Naniniwala kasi si Royo na sa panahong puno ng pagsubok at pangamba, higit kailanman ay kinakailangan na ng mga Pilipino ang gawaing ito—ang matibay na pagbangon at paggaling ng bansa ay magaganap sa sama-samang pananalangin.

Share this