10 PUV DRIVERS, POSITIBO SA DRUG TEST, POSIBLENG MATANGGALAN NG LISENSYA

Iloilo City, Philippines – 10 public utility vehicle (PUV) drivers ang nahaharap sa posibleng pagbawi ng kanilang lisensya matapos magpositibo sa isinagawang random drug testing sa Western Visayas.

Ayon kay LTO-6 Regional Director Atty. Gaudioso P. Geduspan II, ang mga driver na hindi papasa sa confirmatory test ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-6) ay maaaring mawalan ng lisensya o tuluyang ma-disqualify sa pagmamaneho.

“Driving is a privilege, not a right — and it comes with serious responsibility,” ayon kay Geduspan.

Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng “Oplan Biyaheng Ayos!: Semana Santa and Summer Vacation 2026” na inilunsad noong Marso 23 upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero.

Sa ulat ng LTO-6, umabot sa 1,529 drivers at conductors ang sumailalim sa drug testing, kung saan 10 ang nagpositibo, kabilang ang mga jeepney, tricycle, at taxi drivers.

Bukod dito, nakapagsagawa rin ang ahensya ng inspeksyon sa 8,547 sasakyan at nakapagtala ng iba’t ibang paglabag tulad ng unregistered vehicles, unlicensed drivers, at reckless driving.

Pinapaigting pa ng LTO-6 ang kampanya laban sa drugged driving alinsunod sa Republic Act 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.–Carlos Concha, Eurotv News

Share this