$100K GOV’T EMERGENCY FUND, ILALAAN PARA SA MGA OFWs NA APEKTADO NG LINDOL SA MYANMAR — DFA

Pasay City, Philippines — Kasunod ng trahedyang dulot ng magnitude 7.7 na lindol na tumama sa Myanmar, naglaan na ang gobyerno ng Pilipinas ng $100,000 na halaga ng emergency fund upang matulungan ang mga Pilipino doon na apektado nito.

Sa isang panayam, sinabi ni Department of Foreign Affairs Undersecretary for Migration Affairs Eduardo de Vega na ang pondong ito, ilalaan para sa mga kakailanganing medical assistance, relocation, maging sa paghahanap ng trabaho para sa mga Overseas Filipino Workers sa Myanmar na naapektuhan ng kalamidad.

Bukod sa mga ito, maaari rin aniyang magamit ang naturang pondo para sa repatriation, ngunit sa ngayon, wala ang request para rito.

Kaninang alas kwatro ng madaling araw, lumipad na ang dalawang C-130 planes na lulan ang 58 na personnel na kabilang sa disaster response and humanitarian team na ipinadala ng Pilipinas upang makatulong sa mga OFWs na naapektuhan ng lindol.

Bukas, ika-2 ng Abril, nakatakdang sumunod ang ikatlong batch na binubuo ng 33 miyembro ng humanitarian team.

Binubuo ito ng mga doktor, earthquake recover specialists, search and rescue teams mula sa iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan, at iba pa.

Samantala, apat pa ring mga Pilipino sa Myanmar ang nananatiling unaccounted for o nawawala pagkatapos ng lindol.

Nananawagan din ang DFA na makipagtulungan at makipag-ugnayan sa ahensya sakali mang may impormasyon patungkol sa apat na Pilipinong nawawala pa rin hanggang ngayon.

Share this