Quezon City, Philippines – Matapos ideklara ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon City na nakasailalim na sa State of Calamity dahil pa rin sa malawakang pag-ulan na nagdulot ng mga pagbaha sa nakalipas na ilang araw.
Aabot na sa libu-libong mga residente sa Quezon City ang lubusang apektado pa rin ngayon ng walang tigil na pag-ulan na nagdulot ng mga pagbaha sa maraming lugar sa lungsod.
Batay sa pinakahuling ulat ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council (QCDRRMC), higit 15% sa kabuuang populasyon o 38,000 na indibidwal katumbas ng mahigit sa 10,000 mga pamilya sa 63 barangay mula District 1 hanggang District 6 ang apektado ng Tropical Storm Crising at Southwest Monsoon o Habagat.
Sa kabuuang mga bilang, higit sa 35,000 ang nananatili ngayon sa 157 evacuation sites na nakatalaga sa bawat barangay ng lungsod.
Kasunod nyan, isinailalim na rin ang lungsod sa State of Calamity batay na rin sa rekomendasyon ng QCDRRMC na kinupirma rin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa ilalim nito, maaari nang magamit ng lungsod gayundin ng mga barangay ang kanilang Quick Response Fund (QRF) upang mas mabilis na makaresponde at makapagbigay ng tulong sa mga apektado nilang mamamayan.
Sa ngayon kabi-kabila ang search, rescue, and relief operations ng QC local government unit (LGU).
Nagsasagawa rin sila ng medical assistance sa mga evacuation sites upang matiyak naman ang kalusugan ng mga ito.
24/7 namang nakaantabay ang QCDRRMC sa iba’t ibang lugar lalo na sa mga flood prone areas.
Kasalukuyan namang minomonitor na rin ng QC sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte ang Tropical Depression Dante.
Sa kasalukuyan, nasa Yellow Warning na ang Quezon City batay sa inilabas na advisory ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).