16 NA GASOLINAHAN SA BAYAN NG ECHAGUE, INISYUHAN NG NOTICE OF VIOLATION MATAPOS LUMABAG SA PUMP PRICE NG DOE 

Isabela, Philippines – Mahigpit ngayong binabantayan sa Munisipalidad ng Echague sa Isabela ang bentahan ng produktong petrolyo sa mga gasolinahan, alinsunod na rin sa Executive Order na inilabas ng bayan na ipinagbabawal ang anumang uri ng hoarding at profiteering.

Dahil dito, 16 na gasolinahan ang nakatanggap ng Notice of Violation matapos lumabag sa EO at hindi pagsunod sa pump price na itinakda lamang ng Department of Energy (DOE).

24 oras ang ibinigay na palugit sa labing anim na gasolinahan para magsumite ng paliwanag sa opisina ni Echague Mayor Faustino Inno Dy.

Mula kase March 6 hanggang March 9 naobserbahan ng Municipal Fuel Monitoring and Enforcement Team (MFMET) ng bayan ang paglabag ng mga ito sa dapat na presyo lamang ng gasolina.

Kaya naman agad silang inatasang itigil ang mapagsamantalang gawain na kung hindi susundin ay agad na ipapasara ang kanilang establisyemento at maaaring mauwi pa sa pagkakaroon ng kaso sa DOE at Department of Justice (DOJ).

Ang mahigpit na pag-inspeksyon, pagpataw ng kaparusahan at pagbuo ng bayan ng sariling team na magbabantay sa galaw ng presyo ng produktong petrolyo ay alinsunod sa nagbabadyang oil price hike dahil pa rin sa sigalot sa Middle East.

Share this