Labimpitong matataas na armas ang boluntaryong isinuko ng mga nagriridong grupo sa Mamasapano, Maguindanao del Sur.
Pormal na ipinrisinta ang 17 armas kay Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, sa isang aktibidad sa Mamasapano.
Ayon sa militar, ang mga armas ay isinuko ng mga grupong sangkot sa rido o alitan, na matagal nang nagdudulot ng banta sa seguridad sa komunidad.
Pinangunahan ang turnover ng 34th at 38th Infantry Battalion sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Mamasapano, Philippine National Police, at iba pang ahensya.
Sinabi ni Mamasapano Mayor Akmad “Butch” Ampatuan Jr. na mahalaga ang hakbang na ito upang mapalakas ang kapayapaan sa kanilang bayan.
Ayon naman kay BGen Catu, ang boluntaryong pagsuko ng armas ay malaking ambag sa pagpapababa ng karahasan at pagpapatatag ng seguridad sa lugar.
Suportado rin ito ni Major General Jose Vladimir R. Cagara ng Joint Task Force Central, na nagsabing indikasyon ito ng hangarin ng mga grupo na wakasan ang hidwaan.
Hinikayat ng militar ang iba pang armadong grupo na sundan ang ganitong hakbang para sa tuluyang kapayapaan sa komunidad.—Carlos Concha, Contributor