Manila, Philippines — Makalipas ang mahigit isang linggong pagkakaditene, pinalaya na ng mga awtoridad ang mga Pilipinong inaresto sa Qatar matapos ang umano’y ilegal at hindi awtorisadong protesta sa naturang bansa.
Sa isang press briefing nitong Lunes, kinumpirma ni Palace Press Officer Claire Castro ang naging pagpapalaya sa 17 Pilipinong dawit sa insidente.
Matatandaan na noong ika-28 ng Marso, kasabay ng ika-80 kaarawan ni dating pangulong Rodrigo Duterte, 20 mga Pilipino ang inaresto sa Qatar, matapos umanong magsagawa at makilahok sa hindi awtorisadong pagtitipon at protesta.
Tatlo rito ang mga menor de edad na nauna nang pinalaya ng mga awtoridad ng Qatar.
Ayon kay Castro, ang naging pagpapalaya sa mga naturang Pilipino ay nakumpirma matapos ang pagpupulong nina Qatari Ambassador to the Philippines Ahmed Saad Al-Homidi at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa parehong araw.
“Kanina nakipagpulong si Pangulong Marcos Jr. kay Qatari ambassador (Ahmed Saad) Al-Homidi. Sinabi ng Qatari ambassador na pinalaya na ang 17 na inaresto sa Qatar at dinismiss na rin ang mga kaso laban sa kanila,” ani Castro.
Matatandaan na noong nakaraang linggo, inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) na ginawaran ang mga ito ng provisional release dahil sa kawalan ng kasong isinampa kahit ilang araw na silang nakaditene.
Paglilinaw ni Castro, kasabay ng pagpapalaya ay naibasura na rin ang anumang kasong isasampa dapat sa mga ito bunsod ng ginawang illegal assembly.
Dagdag nya, ang positibong balita na ito ay resulta rin ng positibong relasyon ng dalawang bansa.
“Ayon kay Ambassador Al-Homidi, ito raw ay repleksyon ng maganda matatag na pagkakaibigan ng dalawang bansa,” dagdag pa ni Castro.
Kaakibat din ng naging pagpapalaya mula sa detensyon ay ang kalayaan na rin ng mga ito na makabalik sa kanilang mga trabaho bago ang naging insidente.
Matapos ang insidente, mas naging mahigpit naman ang mga embahada ng Pilipinas sa iba’t-ibang bansa pagdating sa pagpapaalala sa mga Pilipino na iwasang makisangkot sa anumang mga aktibidad na maaaring labag sa mga umiiral na batas sa tinutuluyang bansa.