174 SUSPEK NG ONLINE SABONG, INARESTO SA TONDO

Manila, Philippines – Aabot sa 174 na indibidwal ang inaresto ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon laban sa online sabong sa Tondo, Maynila.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group o CIDG, isinagawa ang operasyon bandang alas-6 ng gabi noong Marso 24 sa loob ng Coliseo De Manila sa Vitas, Tondo.

Pinangunahan ito ng CIDG Manila District Field Unit kasama ang Manila Police District at Manila District Anti-Cybercrime Team.

Sa operasyon, naaresto ang kabuuang 174 na indibidwal kung saan 28 ang kabilang sa management staff at 136 naman ang mga bettor.

Nasamsam ng mga awtoridad ang 48 desktop computers na ginagamit sa online betting, 24 na panabong na manok, mga tari, bet tickets, at halagang ₱3,520 na taya.

Batay sa ulat kay CIDG Director Police Major General Robert Morico II, nahuli ang mga suspek habang gumagamit ng online platform na “sabongvip.net” para sa e-sabong operations.

Sinabi ni Morico na mahigpit na ipinagbabawal ng pamahalaan ang lahat ng uri ng illegal gambling kabilang ang online sabong dahil sa masamang epekto nito sa publiko.

Mahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 kaugnay ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Share this