19K NA MGA SASAKYANG WALANG REHISTRO, NAHULI NITONG MAYO — LTO

Manila, Philippines — Sa gitna ng mas maigting na kampanya ng gobyerno upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng mga motorista sa kalsada, umakyat pa rin sa halos 19,000 ang bilang ng unregistered vehicles na nahuli sa loob lamang ng isang buwan

Batay sa datos ng Land Transportation Office (LTO), pumalo sa kabuuang bilang na 18,934 motor vehicles ang nahuling walang rehistro para bumiyahe sa gitna ng month-long operation ng LTO nitong Mayo.

Pinakamarami sa mga nahuli rito ang mga may-ari ng motorsiklo na may kabuuang bilang na 12,206.

Sinundan ito ng mga tricycles na may 3,105 na hindi rehistrado.

Sa bilang ng mga nahuli, 1,800 rito ay mga vans, habang higit isang libo naman ang mga private vehicles.

Ang iba pang mga nahuli ay mga pampasaherong dyip, bus, at mga truck.

Sa kabuuang tala na ito, 9,906 sa mga nahuli ang mula sa Region IV-A o CALABARZON, sinundan ng MIMAROPA, at ng Region 2.

Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza, pagkatapos ng matagumpay na operasyon, magpapatuloy at mas paiigtingin pa ng ahensya ang mga hakbang laban sa mga kolorum na sasakyan.

Ito ay upang mahikayat din ang mga ito na tumalima sa pagpaparehistro ng kanilang mga sasakyan, lalo ba at isa isto sa batayan ng road worthiness ng isang sasakyan.

Ani pa ni Mendoza, ang pagpaparehistro ng sasakyan ay hindi lamang responsibilidad ng mga vehicle owners, kundi para rin sa seguridad at kaligtasan sa kalsada ng mga may-ari ng sasakyan at kanilang pamilya.

Ang mga mahuhuling nagmamaneho ng hindi rehistradong sasakyan, pagmumultahin ng aabot sa P10,000 na multa.

Share this