Manila, Philippines — Posibleng pumalo sa 46°C ang mararamdamang heat index sa Dagupan City, Pangasinan ngayong huling Lunes ng Mayo 2025.
Batay sa 2-day forecast ng national weather bureau na PAGASA, ito na rin ang inaasahang pinakamataas na heat index sa bansa ngayong araw, habang 24 na lugar pa ang nasa ilalim ng danger level ng mararamdamang init.
Inaasahan ang 45°C na heat index sa Aparri, Cagayan habang 44°C naman sa:
- Laoag City, Ilocos Norte
- Tuguegarao City, Cagayan
- Sangley Point, Cavite City, Cavite
- Masbate City, Masbate
- Juban, Sorsogon.
Siyam na lugar naman ang tinatayang aabot sa 43°C ang mararamdamang antas ng init, habang siyam din ang nasa 42°C ang heat index.
Sa ilalim ng danger category, posibleng makaranas ng heat cramps at heat exhaustion, habang ang patuloy na exposure ay maaari ring magresulta sa heat stroke.
Samantala, kabaliktaran naman ng mainit na panahon ang mararanasan sa ilang bahagi ng bansa bunsod ng umiiral na dalawang weather systems.
Sa Zamboanga Peninsula, Negros Island Region, Western Visayas, at Palawan, asahan ang maulap na mga kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms na epekto ng ITCZ.
ITCZ rin ang iiral sa nalalabing bahagi ng Visayas, Mindanao at ng MIMAROPA, na magdadala ng bahagyang maulap na pag-ulan na may kasmaang isolated rainshowers o thunderstorms.
Samantalang sa Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan din ang asahan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms na epekto naman ng pag-iral ng easterlies.
Ibayong pag-iingat at paghahanda ang paalala para sa publiko.