3 POI SA NAWAWALANG US VLOGGER, ELLIOT EASTMAN, PATAY

Tatlong persons of interest sa kaso ng pagdukot sa American vlogger na si Elliot Eastman, patay sa isang engkuwentro sa Kabasalan, Zamboanga Sibugay nitong Martes, Nobyembre 12.

Kinilala ang mga napatay na iniuugnay sa pagdukot na sina Mursid Ahod, at magkapatid na Abdul at Fahad Sahibad.

Nasawi ang mga ito sa Barangay Canacan sa pagsasanib puwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF), at sa tulong din ng local government units (LGUs) ng Naga at Kabasalan.

“Intelligence suggests that Ahod and the Sahibad brothers provided refuge and support to other suspects and persons of interest involved in Mr. Eastman’s abduction, enabling their evasion from authorities,” ayon sa PRO-9.

Ayon sa Philippine Army’s 1st Infantry Division, si Ahod ay may kaugnayan sa ilang insidente ng kidnap-for-ransom, extortion, at pagnanakaw, at itinuturing ding suspek sa Kabasalan Massacre noong 2015 at 2016.

Isa rin siya tinuturing bilang ‘eighth most wanted personality’ sa bayan.

Samantala ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ang magkapatid na Sahibad ay umano’y mga miyembro ng isang kidnap-for-ransom group na aktibo sa Zamboanga Peninsula.

Tatlo mula sa anim naman na suspek ay nasa kustodiya na ng mga pulis at inihain na ng reklamong kidnapping at serious illegal detention.

Share this