4 NA CHINESE NATIONAL ARESTO SA KASO NG KIDNAPPING – PNP

Manila, Philippines – Kinikilala ng Philippine National Police (PNP) ang malaking papel na ginagampanan ngayon ng 911 emergency hotline para rumesponde sa sumbong ng publiko kaugnay sa police assistance.

Sa press briefing sa Camp Crame, ibinda ni PNP Chief General Nicolas Torre III ang matagumpay na pagkakaaresto nila sa apat na suspek sa kaso ng kidnapping sa bisa ng 911.

Sabi ni Torre, nalaman na lamang nila ang kaso matapos magsumbong sa 911 ang isang Chinese national kaugnay sa kaibigan nitong dinukot na isa ring Chinese.

Base sa imbestigasyon, humingi ng tulong sa mga suspek ang biktima, na kinilala sa alyas na Mr. Ang, noong Agosto 1 para mailipat ang P150,000 cash sa kanyang ina na nagpapagamot sa China.

Binigyan naman raw ng isang daang libong piso ng mga suspek si Ang at kinumbinsi na dalhin sa isang sikat na casino resort sa Parañaque para ibigay ang kulang na bayad.

Pero habang papunta na raw sa venue, pinosasan na ang biktima at tinutukan ng baril saka hiningian ng halagang 50k US dollar mula sa kanyang crypto wallet.

Nakumbinsi raw ng biktima ang mga suspect na mahiram ang kanyang telepono para tawagan ang pamilya kaugnay sa hinihinging ransom money.

Dito na patagong humingi ng tulong sa kanyang kaibigan at saka tumawag sa emergency hotline.

Lumabas rin sa inisyal na imbestigasyon ng PNP anti-kidnapping group na dating nagtatrabaho sa POGO, nagpapautang at nagpapapalit ng pera sa mga kapwa Chinese.

Sabi naman ni Torre na hindi na bago ang ganitong modus ng mga suspek.

Share this