60-DAY RICE IMPORT BAN, NAGSIMULA NA; ILANG SENADOR, MAHIGPIT NA PINABABANTAYAN ANG MGA SMUGGLERS

Manila, Philippines – Ngayong nagsimula na ang 60-day rice import ban sa bansa sa bisa ng Executive order No. 93 na mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nag-apruba para higit na maprotektahan ang mga lokal na magsasaka lalo na ngayong papalapit ang anihan. 

Pinatitiyak ng ilang mga senador sa mga kinauukulan ahensya gaya Department of Agriculture (DA), Bureau of Customs (BOC) at Anti Agricultural Economic Council na mahigpit na bantayan ang mga smugglers o sinumang magtatangkang mag-angkat ng regular milled at well-milled rice at ipapasok sa bansa habang umiiral ang import ban.

Sa pagdinig ng Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform sa pangunguna ni Senate Committee chair Senator Kiko Pangilinan, sinabi nitong hindi dapat baliwalain ng mga kinauukulang ahensya ang naturang panuntunan lalo na raw at tiyak na gagawa ng paraan ang mga smugglers para makapagpasok ng mga produkto kahit na ipinagbabawal.

Bagama’t, ang import ban na ipinatupad sa loob ng 60 araw ay magandang hakbang daw ayon kina Senator Imee Marcos at Senator Risa Hontiveros, hindi pa rin daw dapat ito maging pangmatagalang solusyon ng pamahalaan para sa sektor ng agrikultura.

Sa kabila nito, napag-usapan din sa komite ang full implementation ng Republic Act 12022 o Anti Agricultural Economic Sabotage Act of 2024 na siyang magpapanagot sa mga smugglers, hindi lang sa bigas kundi sa lahat ng produktong pang-agrikultura.

Binigyan diin ni Senator Pangilinan, na sa kabila ng maraming ebidensya na nakakalap laban sa mga smugglers, bakit daw hanggang ngayon ay wala pang napapatawan ng parusa gaya ng habambuhay na pagkakakulong at pagmumulta ng hanggang limang beses ng halaga ng mga produktong ini-smuggled ng mga ito..

Samantala, sa kabilang banda, hindi naman sakop ng naturang EO ang specialty rice varieties na hindi karaniwang naipo-produce ng mga magsasaka ng bansa.

Magtatagal naman ng hanggang October 30 ang rice import ban, ngunit una nang sinasabi ng DA na posible itong palawigin ng 90 araw kung makikitang maganda ang resulta sa presyuhan sa merkado gayundin sa magiging kita ng mga farmers. 

Share this