911 HOTLINE PUWEDE NANG MATAWAGAN VS. SCHOOL BULLYING

Manila, Philippines – Maaari nang matawagan ang 911 hotline para sa mga biktima ng bullying kasunod ng pagbubukas ng klase ngayong araw.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre, nagtutulungan ang buong hanay ng kapulisan upang matugunan ang mga kaso ng bullying sa loob o labas man ng paaralan.

Binigyang kasiguraduhan niya na sa tulong ng hotline na ito, hindi na kakailanganing pumunta pa ng publiko lalo na ng mga magulang sa presinto upang magsumbong.

Siniguro niya na agarang reresponde ang PNP sa loob lamang ng 5-minuto alinsunod na rin sa pagpapatupad ng 5-minute response time program.

“Para sa ating mga kababayan including sa mga magulang, huwag niyo na kami hanapin sa mga presinto sapagkat kami ay nasa inyong mga telepono. Dial 911, darating kami sa loob ng limang minuto,” hayag ni Torre.

Humigit 37,000 na pulis ang naka-deploy sa buong bahagi ng bansa upang matugunan ang mga pangangailangan ng pampublikong at pampribadong mga paaralan para sa balik eskwela, ayon sa PNP.

Share this