93 DPWH FLOOD CONTROL PROJECTS SA QC, SUMAILALIM NA SA INSPEKSYON NG LGU

Quezon City, Philippines – Sumailalim sa inspeksyon ng Quezon City LGU ang kabuuang 93 flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lungsod.

Sa isinagawang inspeksyon, lumabas na 5 proyekto ang idineklarang “kumpleto na” pero ongoing pa pala ang konstruksyon nang bisitahin. Bukod dito, 23 proyekto ang natuklasang mali ang lokasyon, habang 16 proyekto naman ay ‘identical’ ang contract amount kahit magkaiba ang lokasyon.

Isang proyekto rin ng DPWH sa Quezon City ang natukoy na may 66 phases, na kinuwestiyon ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, hindi na papayagan ang mga proyektong isinasagawa nang walang koordinasyon sa LGU. 

Hinikayat din ng alkalde ang publiko na i-report sa kanilang tanggapan ang anumang anomalya o problema sa mga flood control project. May inilaan na ring hotline at website para rito.

Giit ng QC LGU, handa silang makipagtulungan sa National Government at iba pang kaugnay na ahensya upang masiguro ang transparency at accountability sa mga nasabing proyekto.

Kanina ay nagpulong si Mayor Belmonte kasama ang iba pang opisyal ng lungsod upang talakayin ang update sa isinasagawang inspeksyon.

Share this