Manila, Philippines – Pormal nang sinampahan ng kaso ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang halos 100 indibidwal na umano’y sangkot sa mga naging kaguluhan kasabay ng malawakang protesta noong ika-21 ng Setyembre.
Ayon kay CIDG Director MGen. Robert Morico II, 97 indibidwal na umano’y sangkot sa riot ang hinainan na ng kasong criminal sa Department of Justice (DOJ) noong nakaraang linggo.
Kabilang sa mga kasong kinahaharap ng mga ito ang paglabag sa Revised Penal Code Articles 136, 139, at 142 para sa conspiracy and proposal to commit rebellion or insurrection, sedition, at inciting to sedition.
Tumanggi ang CIDG na pangalanan ang mga ito, ngunit ang ilan sa mga ito, natukoy ng mga awtoridad sa pamamagitan ng mga video online na kaugnay ng kaguluhan, partikular na sa Recto at Mendiola, bukod pa sa mga nagbabanta umanong susunugin ang Malacañang.
Bukod sa mga direktang sangkot sa naging kaguluhan, kabilang din sa mga tinutukoy ngayon ng CIDG ang mga posibleng nagpondo at nagplano para magkaroon ng riot.
Nanindigan ang CIDG na wala itong palalagpasin sa ginagawang imbestigasyon, at sisiguruhing pananagutin ang lahat ng mapatutunayang sangkot dito.
“The instigators, including yung mga nagfu-fund and those who are behind the planning. Ongoing yung investigation natin. Walang sisinuhin,” ani CIDG Director MGen. Robert Morico II.
Ayon kay Morico, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng CIDG, kung saan inaasahang madaragdagan pa ang mga makakasuhan kaugnay ng marahas na insidente.
Nilinaw din ng PNP na hiwalay pa ang 97 na sa 40 indibidwal na nauna nang ipina-subpoena kaugnay din ng nasabing insidente.—Mia Layaguin, Eurotv News