Manila, Philippines – Tinatarget ngayon ng Department of Health (DOH) na makamit ng bansa ang zero dengue related deaths sa taong 2030.
Kaugnay pa rin yan sa nakikita nilang pagtaas ng mga nasasawi dahil sa sakit.
Batay sa datos ng DOH, as of May 31, 2025, 119,000 na ang kaso ng dengue sa bansa, higit 60% na mas mataas daw yan kumpara noong 2024 sa parehas din na mga buwan.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, 470 na ang nasawi sa kalagitnaan pa lang ng 2025 na itinuturing din na mataas na bilang at maaaring pa raw umabot ng 1,000 death sa pagtatapos ng taon kung hindi mapipigilan.
Ikinababahala pa ng Kagawaran ang mas maraming mga bata na nagkaka-dengue na maituturing bilang dengue naive.
Isa sa mga nakikitang dahilan ni Herbosa kaya’t tumataas ang kaso ng sakit ay ang mabagal na report na kanilang natatanggap sa bawat komunidad na sana’y naaagapan ang pinagmumulan nito kung mabilis naipagbibigay alam sa kagawarn.
Bilang bahagi ng 2030 zero death related case, ipagpapatuloy raw ng kagawaran ang mga nasimulan ng programa ng DOH para mas lalo pang paigtingin ang kampanya kontra dengue gaya ng dengue fast lane sa mga ospital, eskwela kalusugan initiative, Alas-kwatro kontra dengue at ang taob, taktak, tuyo at takip sa buong bansa.
Samantala, nakapag deploy na rin daw ang DOH ng rapid response team para umagapay sa mga ospital at clinics na may mga kritikal ng supply ng NSI test kit para sa dengue.
Sa ngayon, wala pang bakuna ang bansa laban sa dengue, ngunit pinag-aaralan na ang QDENGA vaccine na may ilan pa raw prosesong inaantay para maaprubahan ng FDA dito sa Pilipinas.
Gayunpaman, sakaling maging available ito sa bansa, hindi ito gagamitin bilang mass based immunization at tanging sa mga clinics lang ito maaaring gamitin.
Una nang sinabi ng Health Department na bukod sa mga naitala nang kaso ng dengue, inaasahan pa ng DOH na tataas pa ang kaso nito ngayong panahon ng tag-ulan
Matatandaan na huli pang idineklara sa Pilipinas ang dengue outbreak noong 2019 bago paang Covid-19.