General Santos City, Philippines – Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama ang Department of Agriculture (DA) ang General Santos Fish Port Complex (GSFPC) para saksihan ang tuna trading activities na araw-araw ginagawa ng mga mangingisda sa pantalan.
Kasabay niyan, kinamusta rin ng Pangulo ang naturang mga mangingisda, gayundin ang mga residente na nakatira malapit doon.
Ang pagbisita ng Pangulo ay bahagi pa rin ng pagbaba nito sa lahat ng mga industriya sa buong bansa.
Isa ang General Santos Port sa sentro ng tuna industry sa Pilipinas, kung saan matatagpuan ang walong major tuna canneries at fish processors na nag-eexport sa iba’t ibang lugar at bansa gaya ng US at Japan.
Tinataya ring 200,000 mga manggagawa sa sektor ng pangingisda ang umaasa sa mga trabahong nakasailalim dito na malaki rin ang naitutulong sa local employment at national economic development ng bansa.
Dito rin tinitingnan kung local consumption ba o export quality ang mga tuna na galing sa mga fishing vessels na hinuli ng mga mangingisda.
Ayon sa Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) na isang government-owned and controlled corporation (GOCC) na nangangasiwa sa mga operasyon sa port, malaki ang kontribusyon ng General Santos Fish Port sa ekonomiya ng bansa lalo na at maituturing itong 2nd largest regional fishport.
Binigyang diin naman ng Pangulo ang pangangailangan ng pantalan ng mas maraming cold storage facility para matiyak na mapanatiling maganda ang kalidad ng mga isdang nahuhuli.
Bukod sa pagbisita ng Pangulo, pinangunahan din nito ang pamamahagi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng mga livelihood projects, iba’t ibang makinarya sa pangingisda gaya ng mga bangka at marami pang iba.
200,000 metric tons naman ang na-a-unload na iba’t ibang uri ng isda sa fish port sa loob ng isang taon.
Aabot naman sa mahigit 20,000 ang may business permit to operate sa buong General Santos City.
Samantala nakatakda naman daw na ipatayo ng DA ang testing facility sa General Santos na syang susuri naman sa kalidad ng mga isda.