Manila, Philippines – Nakauwi na nitong Sabado ng gabi ang natitirang 11 seafarers mula sa lumubog na MV Magic Seas, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang mga natitirang Filseafarers sakay ng flight SQ 0918.
Sinalubong sila nina DMW Assistant Secretaries Maria Regina Galias at Francis Ron De Guzman, kasama ang ibang kawani ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Health (DOH).
Kagaya sa mga naunang nakauwing marino, binigyan rin sila ng libreng medical check-up mula sa Manila International Airport Authority (MIAA) medical team, at mga training vouchers mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Nanggaling ang mga seafarers sa kalapit na bansa mula sa Red Sea na Djibouti at doon din sila tumuloy makaraan ang insidente sa nasabing dagat.
Sa pag-uwing ito, lahat ng 17 Pinoy seafarers mula sa MV Magic Seas ay naka-uwi na sa bansa at kani-kanilang mga pamilya. —Isa Estrellado, Contributor