17K KATAO, APEKTADO NG PAGHAGUPIT NG BAGYONG CRISING, HABAGAT – DSWD

Manila, Philippines – Patuloy na nakararanas ng pag-ulan ang ilang rehiyon sa Pilipinas dala ng Bagyong Crising na pinalalakas pa ng Habagat. 

Batay sa monitoring ng Disaster Response Management ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), 17,694 na katao o katumbas ng 5,022 na pamilya ang apektado ng Tropical Storm Crising.

Nagmula ang bilang na ito sa rehiyon ng Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, at Zamboanga Peninsula.

Sa bilang ng mga nasalanta, 1,598 na pamilya ang lumikas na sa kanilang mga tahanan at pansamantala nang nanunuluyan sa 80 open evacuation center. 

Samantala, base pa rin sa datos ng DSWD, dalawampu’t dalawang bahay na ang tuluyang napinsala ng bagyo, habang 152 ang partially damaged dahil sa pag-ulan at pagbaha. 

As of July 18, 2025, alas sais ng umaga nakapagpamigay na ang DSWD ng 744,539 pesos na tulong para sa mga nasalanta. 

Patuloy rin ang pagre-repack ng DSWD ng family food packs, gamit ang New Mechanize system na layon pabilisin ang pagre-repack ng mga relief goods at bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Gamit ang bagong mekanismo, kayang makapagproduce ng DSWD ng halos 25k na family food packs kada araw. —Krizza Lopez, Eurotv News

Share this