CASHLESS PAYMENT SA MRT-3, NAGUMPISA NA

Manila, Philippines – Pormal nang inilunsad ngayong Biyernes (July 25, 2025) ang cashless payment system sa MRT-3 bilang isang alternatibong paraan ng pagbabayad para sa mga pasahero.

Pinangunahan ng Department of Transportation (DOTr), katuwang ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), GCash, at Department of Information and Communications Technology (DICT), ang opisyal na pagsisimula ng bagong sistema.

Sa ilalim ng bagong setup, puwede nang gamitin ng mga komyuter ang kanilang debit card, credit card, at maging ang GCash app para sa mas mabilis at contactless na pagbayad ng pamasahe. Layunin nitong gawing mas maginhawa at moderno ang karanasan ng mga mananakay sa MRT-3.

Kasama sa pasinaya si DOTr Secretary Vince Dizon at DICT Secretary Henry Aguda, na siya ring unang sumubok sa paggamit ng bagong sistema sa publiko.

Naka-install na rin sa mga turnstile ng istasyon ang mga card reader na gagamitin sa nasabing cashless transaction. Ayon sa mga opisyal, inaasahang susunod rin sa parehong sistema ang LRT-1 at LRT-2 sa mga darating na buwan.

Share this