Manila, Philippines – Nakatakda umano magsagawa ng school aid vaccination ang Department of Health (DOH) sa September o October ngayong taon.
Kasunod ito ng inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa katatapos lang na ika-apat na State of the Nation Address (SONA) na dapat lahat ng mga bata ay bakunado na kontra sa iba’t ibang preventable diseases, July 30, 2025.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, tinatarget ng kagawaran taon taon na mabakunahan ang 95% o dalawang milyong kabataan at makumpleto ng mga ito ang 16 vaccines kabilang na ang bakuna sa pentavalent, polio, hepatitis, measles, rubella, tetanus, mumps, diphtheria, at iba pa.
Sa kauna-unahang pagkakataon din daw magtuturok ang kagawaran ng HPV kontra cervical cancer na ituturok sa mga kababaihang edad siyam na taong gulang.
Nakatakda rin ilunsad ng DOH ang ‘Purok Kalusugan’ kung saan pinahahanap ng ahensya sa bawat kabahayan ang mga batang hindi pa nabakunahan.
Bahagi rin ng bakunahan ang vaccination catch up para mas maintindihan ng bawat pamilyang Pilipino ang kahalagahan ng bakuna.
Mahalaga raw ito lalo na’t marami ang nagkalat na anti-vaxxers lalo na sa online na nagdudulot ng misinformation tungkol sa bisa at halaga ng mga ito.
Samantala, target ng DOH na mailunsad ang vaccination sa lahat ng mga paaralan sa bansa, at libre raw ang nasabing bakunahan.
Hinikayat naman ng Kagawaran ng Kalusugan ang lahat ng mga lokal na pamahalaan, civil society, military, private sector, maging rotary clubs na muling tumulong sa isasagawang programa para maabot lahat ng mga kabataan sa buong bansa.