Manila, Philippines – Iniulat ng Department of Agriculture (DA) na sa susunod na taon, higit P18B ang inilaang pondo ng pamahalaan para sa pagpapalawig ng ‘Benteng Bigas, Meron Na’ ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ito ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sa post-SONA sa San Juan kasama ang iba pang gabinete ng administrasyon.
Ayon kay Tiu, sa kabuuang halaga, P10B ang gagamitin para sa pagbili ng palay sa mga lokal na magsasaka ng bansa habang ang natitirang P8B ay alokasyon para sa magiging reserbang bigas ng National Food Authority (NFA).
Gagawin daw nilang sustainable ang bentahan ng bigas sa mga subsidiyang makukuha nila sa mga ibebenta ring bigas na mas mataas kaysa sa P20.
Tinatarget din daw ng DA na ma-amyendahan na ang Rice Tariffication Law (RTL) para muling maibalik sa NFA ang kapangyarihan na direktang makapagbenta ng bigas sa mga mamimili gayundin ang malimitahan ang importation ng bigas sa bansa.
Tiniyak naman ng DA na hindi nalulugi ang mga magsasaka sa ipinatutupad ngayon na ‘Benteng bigas, Meron Na,’ dahil ang mga bigas daw na ito ay 10-15% lamang ng kabuuang produskyon ng bansa pagdating sa palay.
Binigyang diin din ng kalihim na kaisa sila ng mga magsasaka para habulin at patawan ng karampatang parusa ang sinumang traders na mananamantala sa kanilang mga ani na binibili ang kanilang palay sa hindi makatarungang presyo.
Samantala, una nang plano ng administrasyon na mapagbentahan ng benteng bigas ang 15 milyong kabahayan sa bansa o katumbas ng 60 milyong Pilipino na kinabibilangan ng low income families o halos kalahati ng populasyon sa Pilipinas.