ANTI-TRAFFICKING IN PERSON (ATIP) CONFERENCE AT QC SAFE SEAL, INILUNSAD KASABAY NG WORLD DAY AGAINST HUMAN TRAFFICKING

QUEZON CITY, PHILIPPINES—Nagsagawa ng Anti-trafficking In Person (ATIP) Conference ang Quezon City local government unit (LGU) na may temang “No Room for Human Trafficking in Quezon City: Empowering the Hospitality Industry in Combating Human Trafficking” bilang pakikiisa sa World Day Against Human Trafficking.

Dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor ang ATIP Conference upang pagtibayin ang pakikiisa laban sa lahat ng anyo ng eksploitasyon, kabilang ang online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).

Isa sa mga itinampok sa conference ang pagsasapubliko ng mga konkretong hakbangin laban sa human trafficking. 

Kabilang dito ang kanselasyon ng lisensya ng mga establisyemento na mapapatunayang sangkot sa trafficking activities, pagbabawal sa business registration ng sinumang opisyal na may-ari, o kasosyo ng naturang establisyemento, at ang hindi pag-isyu ng bagong business license sa parehong indibidwal o negosyo.

Ipinunto ni Associate Justice Hon. Angelene Mary Quimpo-Sale ng Court of Appeals sa kanyang talumpati na mahalaga ang papel ng hudikatura sa pagharap sa mga kaso ng eksploitasyon. 

Sa kanyang presentasyon na pinamagatang “The Role of the Judiciary in Cases of Exploitation,” binigyang-diin niya ang kahalagahan ng makataong pagtrato at hustisya para sa mga biktima. 

Gayundin ang mga serbisyong kailangan ibigay sa mga mga biktima upang matiyak ang kanilang pagbawi, rehabilitasyon, at reintegrasyon sa lipunan.

Kabilang dito ang pansamantalang tirahan at pagkain, psychological support at counseling, libreng legal services, medical at psychological services, pagsasanay sa kabuhayan at kasanayan, at edukasyonal na tulong sa mga batang biktima.

Samantala, binanggit din ang 24-hour call center para sa mga crisis calls at referral system para sa karagdagang suporta.

Opisyal din na inilunsad ang QC SAFE Seal, na sumisimbolo sa suporta ng mga establisyemento sa ligtas at makataong espasyo para sa lahat ng tao. 

“Walang puwang ang human trafficking sa ating lungsod, kaya naman sama-sama tayo tungo sa isang safer space para sa bawat mamamayan,” ani QC Mayor Joy Belmonte.

Nanawagan naman ang pamahalaan sa mga hotel owners at operators na makiisa sa kampanyang ito upang pigilan ang mga binanggit na problema.

Kabilang sa mga tagapagsalita at katuwang sa kampanya ang Department of Justice (DOJ), Court of Appeals, ECPAT Philippines, at Hotel and Restaurant Association of the Philippines (HRAP).—Justin Fabian, Contributor

Share this