KONGRESISTANG NASA LIKOD NG VIRAL VIDEO NA NANONOOD NG E-SABONG, UMAMIN NA

Manila, Philippines – Lumantad si AGAP Rep. Nicanor Briones na siya ang kongresistang nasa likod ng kumakalat ng viral video na nanonood ng e-sabong habang may botohang nagaganap sa Kamara. 

Sa isang interbyu sa mga reporters, bagama’t umamin siyang nanonood, binigyang-linaw ng kogresista na hindi siya nagsusugal.

Paliwanag niya, isang video message lang daw ang tiningnan niya na ipinadala sa kanya ng kanyang pamangkin, na siya ring nanghihikayat sa kanya na lumahok sa mga ganitong aktibidad, ngunit kanyang tinatanggihan.

Giit pa nito, hindi pa siya kailanman nakapunta sa sabungan at hindi rin niya alam kung paano gamitin ang online money transfer na ginagamit para makapagpusta sa mga online sabong.

Sa kabilang banda, pinapatawad din ni Briones ang kumuha ng viral video pero kung ito ay mauulit, hindi siya mag-aatubiling magsampa ng kaso.

Nagpaumanhin naman si Briones sa publiko at sa Kamara matapos ang pangyayari.

Kamakailan lamang ay naging isyu ang lumalalang problema ng online gambling sa bansa.

Dahil dito maraming mga opisyales ng gobyerno ang nagpasa ng kanilang mga panukala upang solusyonan ito, mula sa pagba-ban o kaya pagre-regulate ng nasabing usapin. Gayundin ang pagtatanggal sa social media accounts ng ilang vloggers at personalities na nanghihikayat ng online gambling.

Gayunpaman, hanggang ngayon ay wala pang ganap na hakbangin upang masaklaw ang problema.

Miski sa katatapos lamang na ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay hindi nabanggit ito.

Ngunit paglilinaw naman ng Palasyo, patuloy pang pinag-aaralan ng Pangulo ang epekto nito sa taumbayan bago makapag desisyon ang administrasyon ng naaayon na panukala.

Share this