MGA KAANAK NG MISSING SABUNGEROS, NAGSAMPA NG KASO VS. ATONG ANG ATBP.

Manila, Philippines – Dumulog sa Department of Justice (DOJ) ngayong Biyernes (Agosto 1, 2025) ng umaga ang mga kaanak ng mga 34 nawawalang sabungeros upang magsampa ng reklamo laban kay negosyanteng si Atong Ang at ilan pang indibidwal na sangkot.

Kasama nila ang whistleblower na si Julie Patidongan o alyas “Totoy,” upang magsampa ng kasong murder at serious illegal detention. 

Ayon sa mga complainant, matagal na nilang hinahanap ang hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay na misteryosong nawala.

Matatandaang itinuro ng Totoy si Ang bilang isa sa mga pangunahing nasa likod ng pagkawala ng mga biktima. Dagdag pa nito, hindi lamang 34 na sabungeros ang nawawala kundi higit sa 100 ang hinihinalang biktima.

Pinangalanan din niya ang aktres na si Gretchen Barretto, Eric Dela Rosa, at Celso Salazar bilang isa rin sa mga sangkot umano sa pagdukot at pagkawala ng mga ito. 

Mariin namang pinabulaanan ito ni Ang at naghain ng counter-affidavit laban kay Totoy at isa pang whistleblower na si Alan Batiles o alyas “Brown” noong Hulyo 3 sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office.

Samantala, naglabas din ng pasisinungalingan ang abogado ni Barretto ukol sa naging paratang.

Sa kahilang banda, nagsagawa na rin nitong Hulyo ang ilan sa mga otoridad kagaya ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP) ng search operations sa Taal Lake, na mismong sinabi rin ni Totoy na pinagtapunan ng mga labi ng mga biktima.

Bagama’t may mga natagpuang mga buto sa lokasyon, hindi pa matukoy ng mga ito kung may kinalaman ang mga nakuhang debri sa missing sabungeros, lalo na’t matagal na umanong nakalubog ang mga nakuhang pangunahing ebidensya sa ilog.

Share this