Manila, Philippines – Matapos ang pananalasa ng magkakasunod na bagyo at epekto ng hanging Habagat sa Pilipinas noong buwan ng Hulyo, umakyat na sa higit walong milyon ang bilang ng mga indibidwal na naapektuhan nito.
Batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hanggang nitong ika-5 ng Agosto, umakyat na sa 8,635,250 individuals ang naitalang naapektuhan ng magkakasunod na kalamidad.
Katumbas ito ng higit dalawang milyong pamilya sa 18 rehiyon sa bansa.
Sa parehong datos, 40 na ang naiulat na nasawi, kung saan tatlo pa lamang ang kumpirmado ng mga awtoridad.
Kahit wala nang mga pag-ulan, mayroon pa ring halos 300 lugar sa bansa ang nananatili pa ring binabaha, habang higit isang libong lugar naman ang humupa na ang baha.
Sa higit 1.3 milyong pamilyang nangangailangan ng assistance, 910,000 pa lamang sa mga ito ang nabigyan ng assistance ng pambansang pamahalaan, na nagkakahalaga ng higit P1-B.
EU, MAGLALAAN NG HIGIT P33-M HUMANITARIAN AID PARA SA MGA APEKTADO NG BAHA SA PILIPINAS
Bilang pagresponde naman sa mga naapektuhan ng mga pagbaha sa Pilipinas, magbibigay ang European Union ng €500,000 o higit P33-million in humanitarian aid para sa Pilipinas.
Ang pondong ito, ilalaan para sa pangangailangan ng mga apektadong indibidwal partikular na sa CALABARZON at CENTRAL LUZON areas na pinakanasalanta ng mga pa-ulan at pagbaha.
Ilalaan din ang alokasyong ito para sa emergency relief, cash assistance para sa food insecurity at iba pang pangunahing pangangailangan, malinis na inuming tubig, sanitation activities at iba pa.
Bago nito, nakapaglaan na ang EU ng €6 million para rin sa humanitarian aid at disaster preparedness sa Pilipinas. —Mia Layaguin, Eurotv News