INFLATION RATE NOONG JULY, BUMAGAL SA 0.9% DALA NG MABAGAL NA PAGTAAS NG PRESYO SA KURYENTE AT LPG

Manila, Philippines – Dahil sa mabagal na pagtaas ng presyo ng kuryente at LPG noong buwan ng July, muling bumagal sa 0.9% ang inflation rate sa Pilipinas. 

Batay sa inflation report ng Philippine Statistics Authority (PSA), pangalawang dahilan sa pagbagal ng inflation rate ang mabagal din na pagtaas sa presyo ng food and non-alcoholic beverages. Partikular na rito ang presyo ng bigas, kamatis, at saging. 

Ikatlo sa dahilan ng pagbagal ng inflation ang mas mabagal na pagtaas ng presyo sa transport na nakapag-ambag ng 6.9% share sa pagbaba ng inflation.

Kasama na rito ang mababang presyo ng mga pamasahe sa barko at eroplano, gayundin ang mababang presyo ng gasolina. 

Ayon kay PSA National Statistician and Civil Registrar General USEC. Claire Dennis Mapa, kung sakaling matupad ang pagtaas ng taripa sa presyo ng imported rice, maaaring tumaas ang retail price ng bigas.

Kung mayroong mga bumaba ang presyo, mayroon din mga commodity group ang nagpakita ng pagtaas presyo, dahilan para mabilis na gumalaw ang inflation. 

Unang nakapag-ambag dito ang presyo ng housing, water, electricity, gas, at other fuels.

Partikular na rito ang pagtaas sa bayad ng renta sa bahay, supply ng tubig, at kuryente.

Sumunod ang restaurant and accomodation services, at alcoholic beverages and tobacco. 

Paliwanag ni Mapa, dahil sa mga pananalanta ng bagyo, may ilang presyo ng gulay ang tumaas. 

Inaasahan nila magkakaroon pa ng pagbabago sa presyo ng mga gulay sa mga pantalan. 

Samantala, bumagal ang headline inflation sa Metro Manila na 1.7% dahil pa rin sa mabagal na pagtaas sa presyo ng kuryente, karne partikular ang karne ng baboy, prutas lalo na ang saging, at presyo ng bigas. 

Maging ang atras abante na presyo ng gasolina, diesel, at pamasahe sa barko. 

Sa labas ng Metro Manila, Region 1 o Ilocos Region ang nakapagtala ng mataas na antas ng inflation na 1.9%. Negative 1.7% naman ang inflation sa BARMM. 

Sa 17 rehiyon, 12 ang nakapagtala ng mabagal na inflation, dalawa ang bumilis ang inflation rate, at tatlo ang hindi nabago ang naitalang inflation rate. —Krizza Lopez, Eurotv News

Share this