Manila, Philippines – Sa layuning mas mapalawig pa ang kampanya ng Department of Health (DOH) kontra Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa buong bansa, nakatakdang bumisita ang DOH sa mga opisina at workplaces para maghatid ng iba’t ibang serbisyo sa bawat isang manggagawa na madalas walang oras para bumisita sa mga ospital o clinics para magpa-HIV test.
Nilalayon ng kagawaran ng kalusugan na maabot lahat ng mga Pilipino sa bansa, maiiwas sila sa sakit, at makontrol ang paglala nito sa mga taong may HIV para hindi na mauwi pa sa mas malalang kondisyon na maaaring magsanhi ng pagkamatay.
Kabilang naman sa mga serbisyong dadalhin ng DOH ang pagbibigay ng libreng condoms, lubricants, at Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP), kabilang na rin dyan ang HIV testing.
Tuturuan din ang mga manggagawa sa proseso ng antiretroviral therapy kung sakaling magpositibo sa HIV.
Samantala, nauna nang nabisita ng ahensya ang Business Process Outsourcing (BPO) companies sa Filinvest Corporate City, Alabang, Muntinlupa City.
Matatandaan na mas mabilis na ngayong makukuha ang resulta ng test na aabot na lamang ng isang araw mula sa dating isang linggo.
Paalala naman ng DOH, mahigit sa 305 DOH-Designated HIV Care Facilities mayroon sa bansa, kung saan may serbisyo ang mga ito na iniaalok para sa HIV prevention gayundin maging ang gamutan ng Persons Living with HIV.