Manila, Philippines – Bilang bahagi ng 5-day state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa India, bumisita rin ito sa Bengaluru na kilala bilang Silicon Valley sa naturang bansa.
Kasama ng Pangulo si First Lady Liza Araneta-Marcos kung saan lumapag sa Kempegowda International Airport sa Bangalore, India ang sinasakyan nilang presidential plane.
Dumalo ang Pangulo sa Philippines-India Business Forum sa Taj West End ng Bengaluru kasama ang Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang cabinet secretaries.
Kabilang sa mga tinalakay sa nasabing business forum na dinaluhan din ng iba’t ibang business leaders ang ilang usapin na may kaugnayan sa information technology and business process management (IT-BPM), digital services, telecommunications, infrastructure, manufacturing, healthcare at marami pang iba.
Nilalayon ng Pangulo na mas makahikayat pa ng maraming investor sa bansa, gayundin ang pagpapalakas pang lalo ng ugnayan at pagtutulungan ng Pilipinas sa India.
Sa ngayon ito na ang pang-apat na araw ng Pangulo sa naturang bansa at inaasahang dadalo muna ito sa banquet dinner bago umuwi bukas ng Pilipinas, August 8.
Matatandaan na una ng sinalubong si Pangulong Marcos ni Indian President Droupadi Murmu at Prime Minister Narendra Modi noong unang araw nito sa bansa kung saan 13 kasunduan ang na pirmahan sa pagitan ng Pilipinas at India.