KAMARA SA PAG-ARCHIVE NG SENADO SA IMPEACHMENT NI VP SARA: ‘TULOY ANG LABAN’ 

Manila, Philippines – Pagkatapos ng higit limang oras na talakayan at diskyusyon, nakapagpasya na ang Senado—i-archive ang impeachment complaint laban kay Sara Duterte. 

19 sa mga ito ang bumoto na i-archive ang impeachment, apat ang nag-NO, habang isa naman ang nag-abstain. 

Ang pag-archive rito, nangangahulugan na isasantabi muna ang kaso, at bubuksan na lamang muli ng Senado kapag kinakailangan na. 

Sa kabila ng tila ‘pagbabasura’ ng Senado sa kaso, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang House of Representatives na magbabago pa rin ang ihip ng hangin at na maipagpapatuloy pa rin ang kaso ng impeachment laban sa ikalawang pangulo. 

Sa kabila ng mga naging patutsada tungkol sa kanyang liderato, nanindigan si House Speaker Martin Romualdez na tuloy lamang ang magiging laban ng kamara lalo pa at may nakabinbin pa rin silang motion for reconsideration sa Korte Suprema. 

Kinuwestyon din ni Romualdez ang tila pagmamadali na maibasura ang kaso gayong kung tutuusin, hindi pa pinal ang SC ruling bilang pinagkokomento pa nito si VP Sara patungkol sa apela ng Kamara. 

Muli rin nyang nilinaw na hindi ito pag-atake sa Senado o pamumulitika—bagkus, paninindigan at tungkulin ng Kamara sa Konstitusyon at sa publiko na maging transparent at panagutin ang kailangang panagutin. 

Kung si Lanao del Sur 1st District Representative at House Deputy Majority Leader Zia Alonto Adiong naman daw ang tatanungin, nakakadismaya raw ang pasya ng Senado ngunit inaasahan nya na ito. 

Sa protesta naman idinaan ng Makabayan Bloc ang kanilang pag-apela sa naging desisyon ng Senado, at inilarawan ito bilang pagtataksil sa taumbayan. 

Para kay dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, tinalikuran ng Senado ang kanilang tungkulin sa Konstitusyon at sa mga Pilipino bilang mismong ang impeachment court, ayaw panagutin si VP Sara sa mga alegasyon kaugnay ng maanomalyang paggamit ng confidential funds. 

Ganito rin ang pananaw ng Gabriela Partylist na iginiit na dahil sa ginawang pag-archive, para na ring pinoprotektahan ng Senado si Duterte mula sa kanyang pananagutan. 

Kinwestyon ng grupo kung nasaan na ang tapang ng kampo, kung patuloy lamang na iiwasang harapin ang kanyang mga alegasyon. 

Magpapatuloy rin anila ang taumbayan sa pagkalampag sa Senado at sa pamahalaan na tuluyang mapanagot si Duterte mula sa mga akusasyon. —Mia Layaguin, Eurotv News

Share this