PAGKAKAGULO SA NAKALAYLAY NA KABLE NG KURYENTE SA TONDO, NAHULI SA VIDEO; MAYOR ISKO, NAGBABALA SA MGA SANGKOT

Manila, Philippines – Matapos ang malaking sunog sa Barangay 105, Happyland, Tondo, Maynila, isang viral video ang kumalat kung saan makikitang pinag-aagawan ng ilang residente ang mga nakalaylay na kable ng kuryente. 

Dahil dito, agad na naglabas ng babala si Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga sangkot sa insidente.

Sa kaniyang opisyal na pahayag, iginiit ni Mayor Isko na mahuhuli rin ang mga nagnakaw ng mga kawad ng kuryente sa naturang barangay.

Kinumpirma rin ng alkalde na mga residente ng lugar mismo ang nasa likod ng pagnanakaw. Aniya, dahil sa insidente, mas lalo pang mahihirapang maibalik ang suplay ng kuryente sa barangay, na apektado pa rin matapos ang sunog.

Sa bidyo, kita ang grupo ng mga lalaki na nagsisikap na makakuha ng mga kable ng kuryente. Nagpulasan ang mga ito nang dumating ang mga awtoridad. 

Dalawa sa mga umano’y sangkot ay agad naaresto at kinasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 7832, o ang Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994.

Samantala, ang Meralco na mismo ang magsisilbing complainant sa mga kasong isasampa laban sa mga suspek.—Katheryn Landicho, Eurotv News

Share this