Manila, Philippines – Isinulong ni Education Secretary Sonny Angara ang pagpapatatag ng School Sports Clubs (SSCs) sa lahat ng elementarya at sekondarya ng pampublikong paaralan sa bansa bilang pagsunod sa nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. tungo sa mas malusog at aktibong mamamayan.
Layon ng SSC na bawasan ang insidente ng bullying at isulong ang pagiging inklusibo sa bawat pambulikong paaralan sa pamamagitan nang pagsulong ng pagkalahatang pag-unlad ng mga mag-aaral at palakasin ang kanilang pisikal na kalusugan.
Kasama rin dito ang pagbangon sa naging learning loss ng mga estudyante noong pandemya.
Ayon sa bagong Department of Education (DepEd) order, gagawin ang SSCs sa labas ng regular na oras ng klase para sa pantay na pagkakataon para sa lahat ng mag-aaral na makilahok sa naturang aktibidad, anuman ang antas ng kanilang kakayahan at pinagmulan.
Gayundin, ang membership nito ay bukas para sa lahat, kabilang na ang mga nasa Alternative Learning System (ALS). Unified Sports Program naman ang gagamitin para isama ang mga learners with disabilities.
“Kapag mas malusog ang katawan, mas malinaw ang isipan. Kapag mas aktibo ang mga bata, mas handa silang matuto at humabol sa anumang naiwang kaalaman noong pandemya,” ani Angara.
Dagdag pa niya, “Hindi lang ito tungkol sa paglalaro. Ito ay tungkol sa disiplina, teamwork, at tibay ng loob—mga katangiang dapat dalhin ng mag-aaral hanggang sa tunay na buhay.”
Lumabas sa datos ng DepEd, karamihan sa mga kabataang Pilipino ay hindi umabot sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) na 60 minuto ng pisikal na aktibidad araw araw. Ito ay mas pinalala pa ng pandemya noong nagkaroon ng sedentary learning at online classes.
Kasama rin sa paglalaanan ng SSCs ang dalawa hanggang tatlong oras bawat linggo na supervised sports activities bilang karagdagan sa physical education curriculum ng bansa, kung saan arnis ang magiging mandatory na isports ng programa.
Ngunit, tiniyak din naman ng DepED na mag-aalok pa rin ng iba pang isports base sa interest ng mga mag-aaral at kapasidad ng kanilang paaralan.—Rose Chelsea Victoriano, Contributor