KASO NG LEPTOSPIROSIS SA MAYNILA, PATULOY NA TUMATAAS 

Manila, Philippines – Naglabas ng datos ang Manila Public Information Office (Manila PIO) sa lumalalang sitwasyon at patuloy na tumataas na bilang ng kaso ng leptospirosis sa mga ospital ng Maynila. 

Ayon sa datos ng Manila PIO, umabot na sa 141 na kaso mula sa iba’t-ibang hospital ng Maynila, kagaya ng GAT Andres Bonifacio Memorial Medical na may tatlong kumpirmadong namatay at 17 na kasalukuyang nasa hospital pa ngayon. 

Sa ospital naman ng Maynila Medical Center, may kabuuang 45 kumpirmadong kaso, anim ang namatay, at halos 24 pa ang nasa ospital. 

Ani Physician Rontgene Solante ng San Lazaro Hospital, habang patuloy na tumataas ang mga kaso, naniniwala naman siya na bababa ito sa mga susunod na araw. 

Gayunpaman, nagbigay ng pagkabahala si Suplico, isang Physician at Medical Director ng San Lazaro sa naging datos, “ang impeksyon ay maaaring mabilis na kumalat hanggang sa humantong sa pagkamatay, kaya kinakailangan na ng medikal atensyon.”

Ngunit, tiniyak naman ng Department of Health (DOH) na ang sistemang pangkalusugan sa bansa ay may sapat na kagamitan at suplay laban sa leptospirosis. 

“Kakayanin ito ng ating health system,” ani Assistant Health Secretary Albert Domingo.

Patuloy naman ang mga paalala ng pamahalaang lungsod na maging maingat, panatilihing malinis ang mga kapaligiran, at magpakonsulta agad sa doktor kung nakakaranas ng anumang sintomas ng leptospirosis.

Ang Quezon City ang nakapagtala ng pinakamalala na kaso ng leptospirosis na hindi bababa sa 207 kaso at hindi bababa sa 24 ang naiulat na namatay mula Enero 1 hanggang Agosto 3 ngayong taon, ayon sa kagawaran ng kalusugan. —John Caleb Pancho, Contributor

Share this