Manila, Philippines – Sa layuning ma-amyendahan ang Rice Tarrification Law (RTL) para mapigilan ang sobra sobrang importasyon ng bigas at maibalik sa National Food Authority (NFA) ang kapangyarihang makapagbenta ng bigas direkta sa mga mamimili, makontrol ang presyo nito sa merkado at iba pang regulasyon.
Puspusan na ang ginagawang pakikipag-usap ngayon ng Department of Agriculture (DA) sa iba’t ibang mambabatas at senador para makakuha ng suporta sa mga ito sandaling makarating na sa plenaryo ang pag-repaso.
Sa katatapos lang pakikipagpulong ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. kay Senator Francis “Kiko” Pangilinan, na syang chair ng Senate Committee on Agriculture, sinabi nitong parehas sila ng layunin para sa magandang kinabukasan ng mga magsasaka ng bansa.
Kaya naman positibo ang kanilang ahensya na matagumpay na maaamyendahan ang RTL sa tulong ng senador bago pa ang nakatakdang harvest season ng mga farmers sa susunod na taon.
Ayon kay Senator Pangilinan, nakapaghain na siya ng resolusyon para repasuhin ang RTL upang maibaba ang presyo ng bigas at maibalik ang matatag na market intervention powers sa NFA na po-protekta sa mga magsasaka.
Bago pa si senator Kiko Pangilinan nakipagpulong na rin si Tiu kay Quezon Province 1st District Representative Mark Enverga, na chair ng House Committee on Agriculture.
Kung saan nangako rin itong tutulungan ang ahensya sa pag-amyenda ng batas gayundin ang suporta nito sa posisyon ng DA na pansamantalang pagsusupinde ng importasyon ng bigas at ang naging desisyon kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagpapatupad ng 2-months rice import freeze na magsisismula sa September 1.
Matatandaan na una nang nagpahayag ng suporta sa pag-amyenda ng RTL si House Speaker Martin Romualdez na nakapagsumite na rin ng House Bill No. 1 o Rice Act.
Target naman ng DA na makumbinse si Pangulong Marcos na i-certify as urgent ang proposed amendments ng RTL bago ang anihan ng mga magsasaka sa March ng susunod na taon.
Binigyang diin ni Secretary Tiu na hindi lang mga magsasaka ang makikinabang sa isinusulong na pagrepaso kundi maging ang buong sektor ng agrikultura.
Sa ilalim ng kasalukuyang Rice Tarrification Law (RTL) na naisabatas noong 2019 sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, unlimited ang importasyon ng bigas na may karampatang taripa na ipinapataw na napupunta sa Rice Competitivenes Enhancement Fund (RCEF).
Ang mga buwis na nakokolekta dito ay sya namang ipinangtutulong sa mga ayuda na nakukuha ng mga magsasaka, iba pang uri ng tulong na mula sa pamahalaan, dito rin kumukuha ng gastos para sa modernisasyon ng pagsasaka sa bansa at marami pang iba.
Gayunpaman ang RTL ay nagiging dahilan din para mawalan ng kontrol ang NFA sa presyo ng bigas, makapagbenta ng mas mura sa merkado, o pagpapatupad ng floor price.
Maaari lang din silang makapagbenta ng bigas sa mga LGU at hindi direkta sa mga tao.
Tinatanggalan din nito ng karapatan ang NFA na mag-imbak ng maraming bigas sakanilang mga bodega, kung saan nakalaan lamang ang kanilang buffer stock bilang emergency stocks na ipapamahagi tuwing may kalamidad, bagyo o iba pang sakuna na nangayari sa bansa.
Samantala, bukod sa mga mambabatas at mga senador, nagpahayag din si Pangulong Marcos ng kagustuhang maamyendahan ang RTL.