ESTUDYANTE, SENIOR, PWDs, MAGKAKAROON NA NG PERSONALIZED, DISCOUNTED BEEP CARDS SIMULA SETYEMBRE

Manila, Philippines – Mas madali at mas maalwan na ang proseso ng pagbyahe sa mga tren, partikular na para sa mga estudyante, senior citizens, at mga persons with disabilities.

Simula ngayong Setyembre, magiging available na ang mga white personalized beep cards na magagamit nila sa kanilang pagbyahe sa MRT-3 at sa LRT lines 1 at 2.

Sa pag-iinspeksyon ni DOTr Secretary Vince Dizon sa LRT-2 Antipolo Station, ipinakilala nya sa publiko ang white student beep cards na layong gawing mas mabilis at convenient ang kanilang pagbyahe.

Personalized din ang mga student beep cards na ito na may pangalan ng estudyante at ire-renew lamang kada school year.

Ayon kay Dizon, ito ay parte ng tuloy-tuloy na hakbang ng pamahalaan para masiguro ang mas madali at mas mabilis na proseso ng kanilang pagco-commute.

Paliwanag ni Dizon, kaysa naman maubos ang oras sa pagpila para makapag-avail ng discount, awtomatiko nang magkakaroon ng 50% na diskwento ang kanilang fare sa mga tren.

Ang isang estudyante raw na kanyang inabutan sa LRT na nagffill out ng forms para sa discount inabot ng isa’t kalahating minuto sa pagpproseso.

Bukod aniya sa nasasayang ang oras ng mga estudyante, abala rin aniya ito sa iba pang mga mananakay.

Aniya, tatanggalin na ang hakbang na ito at gagawin na lamang digitalized ang proseso, sa tulong na rin ng white beep cards.

Ngunit hindi lamang sa mga estudyante mayroong white beep cards, dahil makukuha din ito ng mga senior citizens at PWDs na awtomatiko na ring mayroong 50% na diskwento sa pamasahe.

Samantala, inanunsyo naman ni Dizon na darating na sa susunod na linggo ang dagdag na 300,000 regular beep cards, para matugunan ang shortage nito sa mga istasyon.

Nagbabala rin sya laban sa mga sindikatong nagho-hoard ng beep cards na ibinebenta ito ng P300.-Mia Layaguin, Eurotv News

https://www.facebook.com/share/v/1CGvdsHP7q
https://www.facebook.com/share/v/16a3ut3XuG
https://www.facebook.com/share/v/1R6emFGjKF
Share this