KOPYA NG 2026 NEP, ITINURN-OVER NG KAMARA SA MGA CIVIL SOCIETY ORGS NA TATAYONG ‘OBSERVERS’ SA BUDGET DELIBERATIONS

Manila, Philippines – Kasabay ng pagturn-over ng Department of Budget and Management (DBM) sa House of Representatives ng kopya ng 2026 National Expenditure Program (NEP) ay ang pagbubukas na rin ng Kamara ng pintuan nito para sa civil society groups na lalahok sa nakatakdang budget deliberations.

Bilang parte ng isinusulong na full transparency ng Kongreso pagdating sa 2026 national budget, personal ding itinurn-over ni House Speaker Martin Romualdez ang kopya ng NEP sa mga representatives ng civil society organizations (CSOs).

Ang hakbang na ito, hudyat ng pormal na pakikiisa at paglahok ng mga CSOs sa budget process na tatayong observers at watchdogs sa lahat ng magiging budget deliberations na gagawin ng Kamara.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magkakaroon ng direktang partisipasyon ang mga kinatawan ng mga ordinaryong Pilipino sa proseso at pagtalakay sa pambansang pondo ng Pilipinas.

Para kay Romualdez, higit pa sa mga dokumento, ang usapin ng pambansang pondo ay usapin din ng tiwala ng publiko.

Sa pamamagitan aniya ng pag-imbita sa mga civil society groups upang maging observers sa budget deliberations, nagkakaroon ng access ang publiko upang malaman kung saan napupunta ang kaban ng bayan.

“The budget is the lifeblood of government. It tells our people where we are putting their hopes and their hard-earned taxes. If we want our people to trust us, they must see and feel that the budget is truly theirs,” ani Romualdez.

Kabilang sa mga CSOs na nasa turnover ceremony ang Social Watch, CODE-NGO, Jesse Robredo Institute of Governance, Philippine Legislators’ Committee on Population and Development, Child Rights Network, Parents Against Vape, Campaign for Tobacco-Free Kids, Multiply-Ed Philippines, FOI Youth Initiative, Safe Travel PH, REID Foundation, People’s Budget Coalition/Citizen’s Budget Tracker and Novalerto Youth.

Bago nito, matatandaan na inaprubahan ng Kamara ang Hosue Resolution No.94 para sa institusyunalisasyon ng partisipasyon ng mga civil society organization bilang non-voting observers sa budget deliberations ng kamara.—Mia Layaguin, Eurotv News

Share this