Manila, Philippines – Dininig na sa senado ang isyu ng mga umano’y anomalya sa flood control project sa Pilipinas sa ilalim ng Blue Ribbon Committee.
Ngunit ang ilan sa mga malalaking kontratista na nakakuha ng maraming proyekto mula sa gobyerno ay bigong magpakita sa pagdinig.
Bunsod ng hindi pagpapakita ng mga kontratista, handa ang senado na hainan ng subpoena ang mga kumpanya.
Nagmula kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang mosyon na isyuhan ng subpoena ang mga kontratista na hindi dumalo.
Inaprubahan naman ito ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Rodante Marcoleta, matapos walang kahit isang senador na dumalo sa pagdinig ang tumutol.
Sa naganap na pagdinig kaugnay sa isyu ng mga palpak at substandard na flood control project, pito sa labing limang malalaking contractors na nabanggit ni pangulong Marcos ang dumalo sa hearing.
Ayon kay Senate Blue Ribbon Overnight officer for management general manager Atty. Rodolfo Noel Quimbo, napadalhan ang labing limang contractors, ngunit labing isa lamang ang sumagot sa kanilang imbitasyon.
Hinamo naman ni Committee Vice Chairperson Erwin Tulfo ang mga kontratista na hindi dumalo — na tiyaking mayroong makatwirang dahilan sa hindi nito pagdalo.
Noong nakaraang linggo, kasabay ng paglulunsad ng pangulo ng isumbong sa Pangulo website, pinangalanan niya ang labing limang contractor na nakakuha ng 20% ng kabuuang 545 billion pesos na flood control.
Kasama na rito ang mga sumusunod:
- Legacy Construction Corporation
- Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corp.
- St. Timothy Construction Corporation
- QM Builders
- EGB Construction Corporation
- Topnotch Catalyst Builders Inc.
- Centerways Construction and Development Inc.
- Sunwest, Inc.
- Hi-Tone Construction & Development Corp.
- Triple 8 Construction & Supply, Inc.
- Royal Crown Monarch Construction & Supplies Corp.
- Wawao Builders
- MG Samidan Construction
- L.R. Tiqui Builders, Inc.
- Road Edge Trading & Development Services—Krizza Lopez, Eurotv News