TORRE SINIBAK SA PUWESTO, NARTATEZ PAPALIT BILANG PNP CHIEF

Manila, Philippines – Makalipas ang halos tatlong buwang pagkakatalaga bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) sinibak sa puwesto si outgoing PNP Chief PGen. Nicolas Torre III.

Sa isinagawang press briefing sa Kampo Crame, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na naging mahirap para sa pangulo ang pag-alis kay Torre sa pwesto ngunit kinakailangan. 

Maari rin naging dahilan ng pagkakasibak sa heneral ang naging desisyon nitong balasahan sa matataas na opisyales ng PNP.

Nasabihan naman daw siya kaugnay sa desisyon at nasa kanya kung mag magre-retire na o itutuloy pa ang pagiging pulis. 

Nilinaw naman ni Remulla na walang kinalaman sa pulitika ang nangyari, at hindi ito isang popularidad lamang kundi pagpapanatili ng integridad ng organisasyon.

Wala rin daw nilabag si Torre sa anumang batas at ang pagsibak sa kaniya ay nakabatay sa naging pasya ng pangulo. 

Bago nito, ipinag-utos ni Torre ang re-shuffle sa ilang matataas na opisyal nito kabilang na sina PNP Deputy Chief for Administration Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez at Western Mindanao Area Police Commander Police Lieutenant General Bernard Banac bagay na kinontra ng NAPOLCOM dahil hindi raw dumaan sa en banc.

Sa kabila nito itinuloy ni Torre ang balasahan at sinabing naresolba na nila ng NAPOLCOM ang usapin.

Samantala kung hindi raw magreretiro ang heneral dahil hawak rin nito ang estrella ng four star, pinag-iisipan na raw ng pangulo na baka i-appoint sya sa ibang pwesto ng pamahalaan, pero naka depende pa rin ito kung ito ay kanyang tatanggapin. 

Ngayong araw din itinalaga na sa kanyang pwesto bilang ika-32nd PNP chief si PLTGEN. Milencio Nartatez Jr., panglima sa mga naging hepe ng pambansang pulisya sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

Nakatakda ring i-presinta nina Remulla at Nartatez sa susunod na isang buwan ang isang comprehensive citizen security strategy na naka focus sa seguridad ng publiko.

Hindi rin mabubuwag ang 5-minute response na bahagi ng mandato ni Torre sa PNP at itutuloy ito sa pamumuno ni Nartatez.

Share this