Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas ang commercial roll out ng kauna-unahang Volvac B.E.S.T. AI plus ND o bakuna kontra Avian Influenza virus o bird flu na kadalasang tumatama sa mga manok at iba pang uri ng ibon.
Ang naturang bakuna ay itinuturok sa dibdib ng ibon kahit pa sa 10 day old chick, kung saan tatagal ng 10 hanggang 14 na araw bago ito tuluyang maging epektibo.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., malaking hakbang sa ahensya ang pag-apruba sa bakuna para sa proteksyon ng mga nasa poultry sector para matiyak ang food security at human health.
Ang Volvac B.E.S.T. AI plus ND vaccine ay hindi lamang din daw basta bakuna, dahil pinalalakas din nito ang immune sytem ng mga ibon laban sa velogenic Newcastle disease na pinakamalubhang uri ng sakit sa mga ibon, nakakahawa ito at nakamamatay lalo na sa mga manok.
Matatandaan na nasa P362B ang naitalang halaga ng produksyon sa poultry sector ayon yan sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2024.
Samantala, bahagi pa rin ang naturang hakbang sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na whole of government approach pa protektahan ang kabuhayan ng mga Pilipinong sa ilalim ng naturang sektor.