MAHIGIT P190K NA HALAGA NG HINIHINALANG SHABU, NASABAT SA BUY-BUST OPERATION SA BULACAN

Nasamsam ng pulisya ang mahigit Php 190,000 na halaga ng shabu sa magkakahiwalay na operasyon kontra ilegal na droga sa Bulacan nitong Huwebes at Biyernes, September 11 at 12. 

Batay sa ulat ng pulisya mula sa Station Drug Enforcement Units ng City of San Jose del Monte, Baliwag at Malolos City Police Station (CPS), Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU), Sta. Maria, Hagonoy, Pulilan, Marilao, at Angat Municipal Police Station (MPS), nahuli ang 14 na suspek at nasabat naman ang 30 sachet ng hinihinalang shabu na may 29.3 na gramo kada sachet.

Ayon pa sa Bulacan Provincial Office, tinatayang nasa Php 199,240 ang halaga ng nakumpiskang ilegal na droga. Nasa ilalim na ng pagsusuri ng Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga nakuhang ebidensya. 

Sasampahan naman ng kaso ang mga suspek sa Office of the Provincial Prosecutor dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 

Kasalukuyan na ring nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek para sa wastong diskresyon sa kanilang kaso bago pa man sila maiharap sa korte ng kani-kanilang munisipalidad sa lalawigan. 

Ayon naman sa tanggapan ng Bulacan Police Provincial Office (PPO), patunay lamang na walang humpay ang paglaban ng pulisya sa probinsiya kontra kriminalidad sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel at Provincial Director Angel Garcillano. 

Giit pa ng tanggapan, “Ang mga pinaigting na hakbang na ito ay nagbunga ng pagkakaaresto ng mga suspek sa droga na higit pang nagpapatibay sa malawakang kampanya kontra-kriminalidad at ilegal na droga sa lalawigan.”

By: Shai Morales

Share this