BLUE NOTICE LABAN KAY ZALDY CO, HINILING NG DOJ SA INTERPOL  — PALASYO

Manila, Philippines – Kinumpirma ni Palace Press Officer at Undersecretary Atty. Claire Castro na nakapag request na ang Department of Justice sa International Police (Interpol) ng blue notice laban kay Ako Bicol Rep. Zaldy Co. 

Paglilinaw ni Castro ang pag-i-issue ng blue notice ay hindi nangangahulugan na dapat nang arestuhin si Co, kundi pagbibigay lamang ito ng impormasyon sa gobyerno ng Pilipinas ng kinaroonan ni Co. 

Ngayong September 29, 2025 ang huling araw ng palugit na binigay ng liderato ng House of Representatives na dapat nang bumalik si Zaldy Co sa bansa. 

Ito’y matapos bawiin ni House Speaker Bojie Dy ang travel clearance ni Co para sa kaniyang pagpapagamot.

Sa pinakahuling update ng DOJ sa palasyo, magtutungo si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa Independent commission for Infrastructure para sa proper coordination. 

Isa si Zaldy Co sa mga indibidwal na tumanggap umano ng kickbacks mula sa mga ghost project at substandard flood control projects, batay sa naging pagdinig ng senate blue ribbon committee. 

Ngunit mariin naman pinasinungalingan ni Co ang alegasyong ito. 

Sa gitna ng nangyayaring imbestigasyon, sinabi ng mambabatas na babalik siya sa Pilipinas para linisin ang kanyang pangalan.

Sa kasalukuyan, wala pang anumang kaso ang isinasampa laban kay Co, maliban sa ethics complaint ni Navotas Rep. Toby Tiangco.

Hiniling na rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pag-freeze sa ari-arian ni Co at ng pamilya nito na nagkakahalaga PHP 4.3 billion pesos.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this