Inihayag ng Local Water Utilities Administration (LWUA) na wala silang awtoridad upang tapusin ang mga joint venture agreement na pinasok ng PrimeWater Corporation sa iba’t ibang local water districts sa bansa.
Ayon kay Palawan Representative Pepito Alvarez, na nagsisilbing budget sponsor ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng mga attached agencies nito sa pagdinig sa Kongreso, kinakailangan ng kautusan mula sa korte upang mapawalang-bisa ang mga kasunduang ito.
Ang pahayag ay lumutang sa gitna ng mga panawagan mula sa ilang sektor na suriin at posibleng wakasan ang ugnayan ng mga water district sa PrimeWater, bunsod ng mga isyung kinahaharap ng kumpanya kaugnay ng serbisyo sa tubig sa mga nasabing lugar.
Samantala, nanindigan ang LWUA na wala sa kanilang mandato ang direktang pagbasura ng mga joint venture agreements at tanging hukuman lamang ang may kapangyarihang magdesisyon ukol dito.