Manila, Philippines – Nagpadala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 18-kataong contingent team patungong Cebu matapos ang tumamang magnitude 6.9 na lindol sa lalawigan nitong Martes ng gabi.
Ito ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agarang magmobilisa ng mga tauhan at kagamitan upang maghatid ng tulong sa mga naapektuhang komunidad.
Nakipag-ugnayan ang MMDA sa Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pamamagitan ng Emergency Operations Center Manager at Operations Section Head para sa maayos na deployment at pagtukoy ng mga pangunahing pangangailangan sa lugar.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, ang grupo ay binubuo ng mga tauhan mula sa Public Safety Division at Road Emergency Group. Ipinadala sila nitong Miyerkules ng gabi upang tumulong sa mga residente at suportahan ang mga agarang relief at recovery operations sa mga nasalantang lugar.
Dagdag pa niya, na Ang grupo rin ay tutulong sa paglilinis ng mga kalsadang napinsala o nabara ng mga debris upang muling mapadaan ang mga sasakyan at makapaghatid ng tulong.
Ang contingent team ay may dalang solar-powered water purifiers upang makapagbigay ng malinis na inuming tubig, life locators, battery-operated extrication equipment, trauma bags, at iba pang kagamitan gaya ng chainsaws at dump trucks para sa clearing operations.