BPO WORKERS SA CEBU, HINDI DAPAT PILITING PUMASOK SA TRABAHO KASUNOD NG NARANASANG LINDOL – DOLE 

Manila, Philippines – Mariing kinondena ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employers na pinipilit umanong papasukin sa trabaho ang kanilang mga empleyado pagkatapos ang naranasang 6.9 magnitude na lindol sa Cebu.

Ito ay matapos maglipana online ang mga reklamo ng mga BPO workers, kung saan pilit at pwersahan silang pinababalik sa kani-kanilang mga trabaho pagkatapos ng lindol, sa kabila ng agam agam ng mga ito para sa kanilang kaligtasan.

Sa ilang screenshot na ibinahagi ng ilang BPO workers, makikita ang chat ng kanilang employer na sinasabing kung hindi babalik sa kanilang naiwang trabaho at pipiliing umuwi ay mamarkahan ng AWOL.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, inuuna dapat ng mga employer ang kapakanan ng kanilang mga manggagawa na dapat ding pinaiiral ang ‘corporate social responsibility’

Hindi rin daw dapat na patawan ang mga ito ng disciplinary action, kung nanaisin nilang umuwi para sa kanilang kalusugan at kaligtasan.

Pinaalalahanan din ng DOLE ang mga kumpanya sa Cebu na sa panahon ng mga katulad na kalamidad gaya ng lindol, ay iiral ang Labor Asvisory 17, series of 2022.

Bagama’t ang nakasaad lang daw sa nasabing advisory ay may kinalaman lang sa sama ng panahon at kahalintulad na pangyayari, wala daw itong pinagkaiba sa lindol na naranasan sa Cebu.

Samantala, bukod sa DOLE, una nang kinondena  ng grupo ng  BPO Industry Employees’ Network (BIEN) ang nasabing mga reklamo ng mga manggagawa.

Nakapagsumite na rin sila ng letter of request sa DOLE Regional Office 7 para sa isang dialogue, laban sa ilang BPO Companies na lumabag sa labor at occupational safety laws gaya ng sapilitang pagpapabalik sa mga BPO agents pagkatapos ng lindol noong September 30.

Kabilang din daw dito ang natanggap ng mga ito na retaliatory actions, notices-to-explain, administrative sanctions, at loss of attendance incentives at benefits.

Kaisa naman ng mga BPO workers ang Gabriela Partylist na naglabas na rin ng kanilang pahayag at sinabing ang ginagawa ng kanilang mga employer ay labag sa Occupational Safety and Health Law na nilalagay sa kapahamakan ang kanilang mga empleyado at isinasanatabi ang kaligtasan ng mga ito para sa trabaho. 

Nanawagan naman si Akbayan Partylist Representative Perci Cendaña sa DOLE na imbestigahan ang nasabing mga reklamo at panagutin ang mga BPO companies na mapapatunayang lumabag sa labor code.

Binigyang diin din Cendaña ang hinarangan daw na emergency exit para hindi makalabas ang mga manggagawa sakanilang building pagkatapos ng lindol.

Sa ngayon, sinabi ng DOLE na binigyan na niya ng direktiba ang Regional Director sa Cebu para imbestigahan ang nasabing mga insidente at panagutin kung mapapatunayan.

Nakatakda naman na raw sa lunes ang dialogue ng DOLE at BIEN para pag-usapan ang mga isyung nabanggit.

Share this