Manila, Philippines – Walang namumuong destabilization.
Ito ang sinabi ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto, matapos mag-resign ni Senate Pro Tempore Senator Ping Lacson bilang chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee.
Tiniyak ni Sotto na sa ilalim ng kanyang pamumuno sa senado, walang namumuong ‘coup’ sa pagitan ng majority group at minority group.
Ang paglitaw ng isyu ng pagkakawatak-watak umano sa senado ay kasunod ng mga haka-haka na nagresign si Lacson bilang chairperson ng Blue Ribbon Committee para maiwasan ang kaguluhan.
Ani Sotto, sa ilalim ng kaniyang liderato titiyakin niyang bukas ang lahat ng impormasyon sa publiko, at ang lahat ay mapananagot.
Nitong Linggo, nagdesisyon si Lacson na umalis sa posisyon bilang head ng Blue Ribbon Committee.
Dahilan ni Lacson ang pag-aalinlangan umano ng mga kapwa niya senador sa nagiging takbo ng imbestigasyon ng korapsyon sa mga flood control projects.
Sa naturang imbestigasyon, ilang mga kasalukuyang senador, dating senador, at opisyal ang naugnay sa mga pagtanggap ng kickback sa pondo ng flood control projects.
Kasama sina senator Jinggoy Estrada, senator Joel Villanueva, senator Chiz Escudero, dating senador Bong Revilla, at dating senador Nancy Binay.
Sa panig ng majority, karamihan ay nais pang manatili si Senator Lacson para manatili bilang chairperson ng Blue Ribbon.
Ngunit kung ano man ang pinal na desisyon ni Lacson, handa namang aniyang suportahan ni Sotto.
SOTTO, KOMPYANSA SA SUPORTA NG KASALUKUYANG MIYEMBRO NG MAYORYA SA SENADO
Samantala, kompyansa si Sotto na buo pa rin ang suporta sa kaniya bilang Senate president ng mga miyembro ng Majority Group.
Hindi na aniya kailangan pang magsagawa ng mga loyalty check para tiyaking nakapanig pa rin sa kaniya ang mga kasamahan sa mayorya.
Matatandaan na nitong nakaraang linggo, may kumalat na report na sinabi umano ni Senator JV ejercito ang posible umanong paglipat niya sa minority.
Bago matapos ang linggo, tiniyak ni Sotto na walang mangyayaring palitan ng posisyon sa senado.—Krizza Lopez, Eurotv News