PNP, ITINANGGING MAY NAGANAP NA KUDETA LABAN SA MARCOS ADMIN

Manila, Philippines – Mananatiling mataas ang moral at hindi kailangan kudeta para i-withdraw ang suporta ng Philippine National Police (PNP) kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. 

Ito ang binigyang diin ni Acting PNP Chief PGEN. Melencio Nartatez kasunod ng mga haka hakang coup laban kay pangulong marcos kaugnay sa nangyayaring kurapsyon ngayon sa bansa partikular na sa mga flood control projects. 

Kung tutuusin si Marcos pa nga raw ang nagpapa imbestiga sa mga anomalya at wala silang nakikitang dahilan para bawiin ang suporta sa pangulo. 

Binigyang diin nito na walang dahilan para patalsikin ang pangulo na nanalo ng majority vote.

Dagdag nito wala naman raw kumakausap sa kanya partikular na ang mga commander at Regional Directors at kung sakali mang may kumausap ay hihikayatin nitong wag nang gawin.

Sa isang pahayag naman suportado ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya ang  matatag na paninindigan ng organisasyon sa gitna ng mga espekulasyong layong paghiwa-hiwalayin ang hanay at kwestyunin ang kanilang katapatan.

Ayon sa chairman ng grupo na si Dr. Jose Antonio Goitia makatuwiran ang tiwalang ibinibigay ng Pangulo sa kasalukuyang liderato ng PNP na  nagtataguyod ng kaayusan at integridad.

Nanawagan din siya sa publiko na suportahan ang kapulisan sa halip na pagdudahan ang mga ito.

Iginiit rin ng Palasyo na mananatiling tapat sa konstitusyon ang hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP.

Ayon kay Palace Press Officer USEC. Claire Castro tiwala ang Pangulo sa kagalingan at katapatan ng mga ito sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Tinawag rin ng AFP na isang mapanganib na disinformation ang usapin at iginiit na mananatili ang pagsunod sa chain of command. 

Sa parte naman ng PNP binigyang diin ni Nartatrez na hindi na kailangan pa ng Loyalty Check.

Share this