Cebu, Philippines – Umabot na sa mahigit 62,000 na mga kabahayan ang nasira sa Cebu at kalapit na mga probinsya matapos ang pagtama ng magnitude 6.9 na lindol sa lalawigan ayon yan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Pinakamarami raw sa mga ito ay nagmula sa Bogo City.
Ayon sa ulat ng ahensya 57,677 sa mga ito ang partially damaged, habang 4,854 naman ang tuluyan ng nasira.
733 na mga imprastraktura rin daw sa probinsya ang lubos din na naapektuhan ng lindol.
Nagtayo muna ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng family tents na magsisilbing tahanan ng mga pamilyang nasiraan ng bahay.
Sa ngayon tinatayang nasa 179,252 na pamilya o katumbas ng 669,774 na indibidwal ang apektado pa rin ng malakas na lindol na tumama sa Cebu.
72 na ang naitalang nasawi habang 559 pa ang sugatan na kasalukuyan na rin nasa mga pagamutan.
Samantala nasa 9,108 aftershocks na ang naitalang aftershocks ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) mula ng tumama ang lindol sa Cebu.