Navotas, Philippines – Nanatiling operational ang floodgate sa kabila ng pagkasira ng itaas na bahagi nito dulot ng pagkakabangga ng isang barko nitong Martes ng madaling-araw.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes patuloy ang ginagawang assessment upang matukoy ang lawak ng pinsala sa kabuuang estruktura, at tiniyak niya na walang dapat ipangamba ang publiko.
Wala rin daw na dapat ikabahala ang mga residente ukol dito.
Tinitiyak din nito na tuloy-tuloy ang pagsusuri at pagkukumpuni ng floodgate, kung kinakailangan.
Personal na ininspeksyon nina Chairman Artes at Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang lugar upang makita ang pinsalang dulot ng insidente. Kinilala ang barkong sangkot sa insidente bilang F/V Monalinda 98.
Sa paunang ulat, ang itaas na bahagi ng Navigational Gate ang pangunahing naapektuhan. Kaugnay nito, magtatatag ng isang technical working group upang pag-aralan ang mga kasalukuyang navigation at safety protocols, at tiyaking maiwasan ang mga ganitong insidente sa hinaharap.
Dagdag pa ni Chairman Artes, kasalukuyan ding pinag-aaralan ng MMDA ang posibilidad na magdagdag ng panibagong gate na magsisilbing backup sa kaling masira ang pangunahing floodgate.
Samantala, sinabi ni Mayor Tiangco na agad silang nakipagpulong sa mga may-ari ng barkong sangkot sa insidente at hihilingin sa mga ito na magsumite ng written explanation ukol sa pangyayari.
Ang Navotas floodgate ay isang kritikal na estrukturang nagsisilbing panangga laban sa pagpasok ng tubig mula sa Manila Bay patungo sa mga ilog ng Navotas at Malabon.
Layunin nitong maiwasan ang malawakang pagbaha sa mga nasabing lugar, lalo na tuwing may malalakas na pag-ulan.
Muling tiniyak nina Chairman Artes at Mayor Tiangco ang kahandaan ng pamahalaan sa pagtugon sa insidente at pagpapanatili ng kaligtasan ng mga residente.